Saturday, August 18, 2007

“GMA”FP

Ang organisasyon ng AFP ay instrumento ng Rehimeng US-Arroyo para supilin ang mamamayang lumalaban. Taliwas ito sa oryentasyong protektahan ang bayan at mga mamamayan nito.

Maraming beses na itong napatunayan na lagit-laging isinusubo at inuutusan ang mga sundalo para magsagawa ng pag-atake sa mamamayan sa anyo ng pambobomba, pangho-hostage, pagdukot, mga asasinasyon, pagtortyur, mga pananakit sa sibilyan at marami pang tipo.

Ang koman o utos na ito ay nagmumula sa mga matataas at mga abusadong opisyal sa Malacanang at mga kasapakat na matataas na opisyal nito sa AFP. Walang ibang layunin ang mga ito kundi ang protektahan ang kanilang makasariling interes.

Ang isyu ng mga nakakababang opisyal at sundalo sa loob ng mersenaryong organisasyon ng AFP ay kadikit ng isyung dinadala ng mamamayan.Marami rami na ang listahan ng mga progresibong nakakababang opisyal at ordinaryong sundalo ang hindi na makatiis sa bulok na sistemang umiiral sa loob ng organisasyon. Talamak at laganap ang korupsyon sa pamamagitan ng mga kontrata, mga kagamitang pangmilitar, mga paghingi ng pabor, mga ransom money, at ang mas matindi ang pakikipagsabwatan tulad sa Abu Sayyaf kapalit ng malaking halaga. Ang mga nakakakababang opisyal at mga ordinaryong sundalo ang matinding natatamaan ng bulok na sistema sa AFP, sila ang pinambabala sa mga operasyong militar kung kaya naman sila ang mas malapit na nakakakita ng katotohanan sa kalagayan ng mga sundalo.

Ang pag-aalsa ng mga sundalo sa Oakwood noong 2003 ay mabisang naglantad ng kabulukan ng Rehimeng US-Arroyo.Sinalamin ng mga sundalong nanguna sa Oakwood ang sentimyento ng libo-libong sundalo sa loob ng sandatahang lakas ng reaksyonaryong estado. Sapat at malinaw na ipinapakita nito na lehitimo ang mga isyu at karaingan ng mga sundalo.

Sa ganitong pagkakataon at kalagayan ay hindi maiiwasang susulpot ang mga makabayan at progresibo sa loob ng AFP. Sa kasaysayan ng mundo at maging ng ating bansa ay hindi na mabilang ang mga makabayang sundalo na tumindig at nanguna sa paglaban.

Isang halimbawa ay si Gamal Abdel Nasser ang pangalawang naging Presidente ng Egypt at nagbabandila ng Patriyotismo ng mga Arabo. Siya ay may ranggong Liutenant Coronel at naging tagapagtatag at lider ng Free Officers Movement—isang organisasyon ng mga nakakababang opisyal at sundalo na nagmula sa uring magsasaka. Nilayon ng organisasyon na ito na pamunuan ang pakikibaka laban sa mapaniil na Rehimen ni King Faraouk I ng Egypt na sinusuportahan ng imperyalistang Britanya. Noong Hulyo 23, 1952 ay matagumpay na naibagsak sa pamumuno ni Nasser ang bulok ng rehimen at nailuklok si Muhammad Naguib bilang presidente ng Egypt. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagtaksil si Naguib sa mamamayan ng Egypt, muling kumilos si Nasser para ito ay arestuhin. Naging ikalawang presidente ng Egypt si Nasser noong Hunyo 23, 1956. Sa kanyang pamumuno ipinatupad ni Nasser ang pagsasabansa ng mga industriya, pagpapatupad ng reporma sa lupa at maraming proyektong impraistraktura para sa mamamayan ng Egypt.

Isa pang halimbawa ay si Hugo Chavez, ang kasalukuyang presidente ng Venezuela na kilala bilang isang kritiko ng imperyalistang US at ang pinapalaganap nitong globalisasyon. Nag-aral ito sa Venezuelan Academy of Military Sciences at pagtapos ay nagsilbi sa sandatahang lakas ng 17 taon hanggang umabot siya sa ranggo ng Lieutenant Colonel. Bilang estudyante, guro sa Academy at aktibong sundalo ay hindi niya tinago ang pagiging isang kritiko niya ng umiiral na sistema sa kaniyang bansa. Madalas siya maglabas ng mga sulatin at magsalita sa mga forum na bumamatikos sa pagpapatakbo ng gobyerno ng Venezuela noon. Sa gitna ng malawak na diskontento ng mga tiga-Venezuela sa gobyerno ay naglunsad ang ilang mga sundalo ng pagkilos noong Pebrero 4, 1992. Bagamat nabigo itong agawin ang kapangyarihan ay naging sapat ito upang maipaabot sa karamihan ang kanilang mga hinaing at dahil dito ay naging popular si Chavez sa buong bansa. Nanalo siya sa eleksyon bilang pangulo na may 56.2% ng mga boto para sa kaniya. Sa kaniyang panunungkulan ay higit na naging demokratiko ang gobyerno kumpara sa nakaraan. Sa diwa ng kampanyang kontra-korupsyon at kontra-kahirapan ay ipinatupad nito ang mga polisyang nagsisilbi sa mamamayan tulad ng pagsasabansa ng ilang industriya sa bansa.Mariin din ang pagtindig laban sa liberalisasyon sa ekonomiya bagkus ay ang pagpapatupad ng ekonomiyang nakakasapat sa sarili. Ipinalaganap din ni Hugo ang makabayang aspirasyon ng mamamayan ng Venezuela at higit pinataas nito ang kamulatang anti-imperyalista sa pamamagitan ng lantad na pagtutol sa gerang agresyon ngimperyalismong US sa Iraq.

Sa loob mismo ng ating bansa ay may mga nangahas na labanan ang estado at ang umiiral na sistema.

Si Lt. Crispin Tagamolila ay nagtapos sa University of the Philippines ng Business Administration at Philippine Military Academy. Naging regular na opisyal ito sa AFP noong 1967 ay naging Finance Officer sa Tabak Division sa Fort Magsasay, Nueva Ecija. Sa parehong panahon ay nag-aaral siya ng abogasya ay nagtuturo ng kasaysayan, patriyotismo at mga bayani sa Philippine Constabulary. Masusi niyang pinag-aralan ang ugat ng mga problema ng lipunang Pilipino at sa maraming okasyon ay nag-organisa ng mga sirkulo ng pag-aaral ukol sa pulitika. Noong Marso 29, 1971, sa edad na 26 ay sumuko bilang sundalo at sumampa sa NPA si Tagamolila. Kumilos siya sa Isabela bilang “Ka Cely” at ibinahagi sa mga kasama at masa ang kaniyang kaalaman sa gawaing pampulitika at militar. Nasawi ito sa isang encounter noong Abril 16, 1972 habang tinutulungang umatras ang mga kasamang gerilya.

Sa pinaka-huling kilala at mataas na katungkulan na umalis sa AFP ay si Brig. General Raymundo Jarque noong 1995 sa Negros. Hindi niya nakimkim ang malubang korupsyon at anomalya sa loob ng militar. Noong 1980’s ay pinangunahan niya ang kampanyang kontra-insurhensya sa Negros. Sa kaniyang pag-alis sa militar ay humingi ito ng tawad sa masang naapektuhan ng pinangunahan niyang mga operasyong militar. Naging consultant siya ng NDFP Peace Negotiating Panel.

Marami pa ang mga sundalo ang patuloy na naghahanap ng tunay na pagbabago.

Ang kasundaluhan sa AFP ay may malaking magagawa para mabago ang bulok na sistemang umiiral. Ang nakakarami sa kanila ay tulad din nating mga mahihirap, mula sa pamilyang magsasaka, mangagawa, maralitang taga-lunsod, mga kabataan at maging mga kababaihan. Ipakita natin ang AFP sa panahon ni Gloria ay “GMA”FP.

1 comments:

vencer said...

wow, ito ang una mong mahabang post. congrats. :)

dumaan ka at magkomento sa blog ni ellen t (ellentordesillas.com), isa sa mga masugid magsulat hinggil nman sa kaso ng oakwood at magdalo. matutuwa yun sa post mo.